Sunday, October 2, 2011

BINUKOT ( ANG HULING PRINSESA )

              Ang Pilipinas ay napakayaman hindi lamang sa likas na yaman nitong taglay kundi ganun din sa kultura at kasaysayan. Subalit nang dumating ang mga mananakop , ang mga taong nakakaalam ng ating kasaysayan ay halos naubos. Kaya’t sa panahon ngayon hindi lahat ng ating kasaysayan bago tayo sakupin ng mag mananakop ay nalalaman pa natin.
   
                 Isa sa ating kasaysayan ang tungkol sa mga binukot. Nang mapanood ko ang dokyumentaryo ni Kara David  sobra akong nasiyahan dahil may malalaman na naman akong bahagi ng ating kasaysayan. At nakakatuwang malaman na sa hanggang ngayon may natitira pa sa mga Binukot.
                   
                  Ang mga Binukot ay mga taong itinatago sa isang kubo at namumuhay na parang mga prinsesa at ang tanging nakakaalam ng kanilang epiko. Isa sa ipinakitang binukot sa dokyumentaryo ay si Lola Isiang. Lagi syang nakasuot ng belo upang hindi makita ang kanyang mukha. At kailangan syang buhatin sa pamamagitan ng duyan upang hindi sumayad ang paa sa lupa. Pinapaliguan , sinusuklayan at binibigyan ng pagkaing para lamang sa prinsesa. Subalit sa kabila ng ganitong pamumuhay, hindi manlang sya makapaglaro o kahit makapasok sa paaralan. At ang tanging gingawa ay  sumayaw ng kanilang katutubong sayaw at kumanta ng napakahabang  epiko. Kung iisipin masarap ang mamuhay prinsesa. Subalit para sa akin nakakaawang tingnan si Lola Isiang. Hindi manlang nya natamasa ang kasayanhang maging bata. Subalit upang may magdala ng kanilang epiko, kailangan nyang maging isang Binukot. At dahil sa nagyaring pananakop sa ating bansa ang mga Binukot ang unang namamatay dahil mahihina ang mga paa. Kung kayat nagdisisyon ang mga magulang na wag gawing binukot ang kanilang mag anak. Subalit sa kabila nito paano na ang epikong matagal nilang inaalagaan?  Nakakalungkot isipin na mawawala na ang isang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Ngunit sa kabilang banda may mga tao parin  na pinapahalagahan ang kanilang yaman. Tulad na lamang ni   Frederico Caballero at ang mga tao sa kanilang baranggay. Nakahanap sila ng paraan na manatiling buhay ang kanilang tradisyon sa pagpapatayo ng “Balay Turun-an”. Nakakatuwa at hindi na nila kailangan pang pwersahin ang isang babae upang maging isang Binukot.
        
                 Nagpapakita lamang ito na mapapanatili natin ang isang kayamanan katulad ng epiko ng mga taga panay ( na tanging ang mga binukot  lamang ang  nakakaalam) na mapapangalagaan natin ito sa maayos na paraan at hindi lamang iisang tao ang nakakaalam kundi ang buong tribo. At makakapamuhay ng normal at makasunod sa bagong  panahon.
         
                 Marahil hindi rin magtatagal at mawawala rin ang mga Binukot sa ating bansa, subalit  mananatili ito sa ating kasaysayan habang may mga taong magpapahalaga nito.

KARANGAYA ( INAREGLONG KASAL )

            Isa sa mga kultura nating mga Pilipino ang kasal. Subalit sa pagkaiba-iba ng ating mga relihiyon ay ang pagkakaiba din ng ating mga tradisyon ukol dito.
         
           Ang  kasal ay isa sa pinakamahalagang okasyon sa dalawang nagmamahalan. Ito ay simbolo ng habambuhay nilang pag-iibigan at  katapatan sa isa’t isa. Ngunit paano kung ikasal ka sa taong hindi mo pinili at lubusang kilala  at pangangakuan mu ng tapat na pagmamahal at  pagsasama  habangbuhay.
        
           Hindi lingid sa aking kaalaman ang tradisyong “Karangaya” ng mga Maranao kung saan pinagkakasundo ng dalawang pamilya ang kasal ng kanilang mga anak. Ang aking kaalaman tungkol dito ay pawang mga kwento lamang. Kaya’t ng mapanood ko ang dokyumentaryo ni Sandra Aguinaldo  nagdulot ito sa akin ng kamanghaan. Habang pinapanood ko ang dokyumentaryo isang tanong ang namuo sa aking isipan, paano nagawa ng isang magulang ang ipakasal ang musmos na anak sa napakamurang edad? Sina  Fajad Mangotara at Olily Hadjimalic, mga batang hindi pa man maintindihan ang kahulugan ng pag-aasawa ay nakatakda nang ikasal sa murang edad. Alam kong wala akong karapatang kwestyunin ang kanilang nakasanayang tradisyon sapagkat bahagi ito ng kanilang kultura. Subalit bilang manood nakakalungkot isipin na ang isang 7 taong gulang na bata ay haharapin ang sakramento ng kasal sa murang edad. Sa aking pananaw ng makita ko ang walang muwang na mga mukha ng mga bata ay nagbigay sa akin ng ideya na ang karapatan ng mga batang ito ay naabuso. Gayun pa man sana ang dalawang musmos na mga batang ito ay maging kagaya nina Arafat at Narhata Salic. Ipinagkasundo man ang kasal sa murang edad ngunit natutunang mahalin ang isat isa pagkalipas ng panahon.
           
            Ang kwento naman nina Waheba at Saminoden, Ibrahim at Rocaya  ay nakakaiba. Sa tradisyon nating mga katoliko  sino ang magpapakasal sa isang taong hindi mu lubusang kilala at sa araw ng kasal mu lang sya unang masilayan?  Magpapakasal ka ba sa taong ang angkan nito ang dahilan ng pagkaulila mu sa ama? Ito ang iba pang aspeto sa tradisyong Karangaya ng mga Maranao. Hindi ko lubos mawari kung anu ang kalalabasan ng ganitong pangyayari. Ngunit para kay Rocaya, awa ang aking naramdaman. Masakit para sa isang anak na mawalan ng mahal sa buhay lalo na sa isa sa kanyang mga magulang. At ang masaklap pa nito ay araw-araw niyang nakakasama ang angkan na bumawi sa buhay ng ama. Ngunit upang matigil ang rido o away sa pagitan ng dalawang angkan  kung kayat marahil pumayag si Rocaya.
             
            Bilang isang indibidwal,kahit anu pa man ang relihiyon mu may karapatan tayong mamili at karapatang maging malaya. Kagaya ni  Minang Sharief  na  hindi pumayag  na maikasal sa tiyuhin nang ipagkasundo sya rito ng kanyang mga magulang sa edad na 13 taong gulang. Ayon sa kanya naging simula raw ito ng pagbabago sa paniniwala ng ibang mga babaeng Maranao sa Karangaya. Nakakatuwang isipin na may mga magulang na  maranao din pala na pinapahalagahan ang disisyon ng kanilang mga anak. At hindi sila ikinulong sa nakasanayang tradisyon.
          
             Minsan nakakagawa tayo ng mga bagay na kahit labag sa ating kalooban ay kailangan nating gawin. Kagaya sa tradisyon Karangaya ng mga Maranao. Marahil hindi natin maintindihan bilang hindi tayo kasapi ng kanilang relihiyon, ngunit kagaya nating mga katoliko may mga tradisyon din tayong sinusunod at inaalagaan. At ang pagsunod sa mga tradisyong ito ang nagpapatibay sa ating mga paniniwala.   


Friday, September 30, 2011

Pamana ni Juan , Unti-unting nakakalimutan (konsepto ng Nasyonalismo)

Halos madurog ang puso ni inay nang maalala si Juan.
"Ikaw at ang iba mong mga kapatid lamang ang nagtanggol sa akin ng ako'y pwersahang angkinin ng iba't-ibang mga dayuhan. Ang iba'y ipingkalulong ako sa mga ito. Kung may natitira sanang diwa mo  ngayong panahon Juan, mapapanatag sana ako.Tanging pamana mo lamang ang natitira kong pag-asa.

Maluhaluhang naalala ni inay ang pamana ni Juan..
"Inay ito ang Nasyonalismo, Ipapamana ko sa mga kapatid ko upang maprotektahan kayo."

Kung may buhay lamang ang ating inang bayan marahil ganito ang kanyang hinagpis. Hinagpis na hindi marining dahil sa mga anak na walang ibang ginagawa kundi ang lapastanganin ang kanyang kagandahan. Mahirap man tanggapin ngunit ganito ang nangyayari sa panahon natin ngayon. Unti-unti nang namamatay ang pinamanang nasyonalismo ng ating mga bayani. Ang dahilan kung bakit natin natatamasa ang nararanasan nating kalayaan ngayon.

Ngunit ano ngaba ang Nasyonalismo?

Ang nasyonalismo ay ang marubdob na pagmamahal sa bayan. Dahil dito nakipaglaban ang ating mga bayani laban sa mga mananakop upang makamit ang kalayaan ng buong bansa. Ginamit nila itong instrumento upang makawala tayo sa sakim at mapang-aping mga mananakop. At dahil din dito kung kaya't nagtagumpay ang ating mga bayani sa kanilang pakikipaglaban sa kabila ng pagkasawi ng buhay ng marami nating kababayan.

Subalit buhay pa ba ang Nasyonalismo ngayon?

Ilang taon na nating tinatamasa ang kalayaang ipinaglaban ng ating mga bayani. Ngunit kasabay ng paglipas ng panahon ay ang unti-unti nating paglimot sa nakaraan.Lalong lalo na sa nasyonalismong ipinamalas ng ating mga bayani. Naging mahirap na para sa atin ang panindigan ang dahilan kung bakit nating nakamit ang ating kalayaan...ang Nasyonalismo.

Sa anung paraan natin naipapakita nag paglimot natin sa Nasyonalismo?

Maraming mga paraan at isa na dito ang pagdami ng mga kababayan nating mas pinipiling manirahan at magsilbi sa ibang bansa kaysa manatili dito at magsibi sa sariling bayan. Kung kaya't kinakapos tayo sa mga guro, doktor, nurse at iba pa na sana'y higit na kailangan ng marami nating kababayan. Mas marami rin sa ating ang mas tinatangkilik ang produkto ng ibang bansa kaysa gawa ng sarili nating kababayan. Kung kaya ang iba ay ibinibenta ang mga imbensyon at mga produkto sa ibang bansa upang mapakinabangan. Na dapat tayong mga pilipino ang gumagawa nito.  Marami narin sa atin ang mas gumagamit ng wikang Ingles kaysa sarili nating wika kahit ang kausap ay kapwa pilipino.Maliban sa paaralan hindi ba't mas mabuti kung mas ginagamit natin ang ating wika? At maging sa pag-awit ng ating pambansang awit. Hindi ba't marami sa atin ang basta basta na lamang nakatayo, nakalagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib at sumasabay sa tugtog? Ang iba pa sa atin ay hindi kabisado ang ating pambansang awit.At walang alab na nararamdaman habang inaawit ito. At ang masakit sa lahat nagagawa nating ibugaw ang ating inang bayan sa ibat-ibang mga dayuhang negosyante para sa pansariling interes. Upang umangat sa buhay nagagawa nating ibenta ang kanyang kagandahan. Habang ang iba nating mga kababayan ay patuloy na nasasadlak sa hirap at panganib na maaaring idulot nang pagkasira ng ating inang bayan.

Nakakalungkot isipin na unti-unti nating napapatay ang nasyonalismong iniwan sa atin ng ating mga bayani.
Kaya paanu nalang ang susunod na hinerasyon? Ang mga kabataan? Anu ang kanilang mamumulatan tungkol sa ating bayan?
 
Kaawa-awa si Juan...ang pamana'y unti -unting nalilimutan....

Kung kaya't dapat tayong gumawa nang paraan upang mabuhay muli ang nasyonalismo. Huwag tayo mawalan ng pag-asa dahil habang may Juan sa puso't diwa ng bawat pilipino , buhay ang pag-asa ng Nasyonalismo.

Ikaw, limot mo narin ba?