Friday, September 30, 2011

Pamana ni Juan , Unti-unting nakakalimutan (konsepto ng Nasyonalismo)

Halos madurog ang puso ni inay nang maalala si Juan.
"Ikaw at ang iba mong mga kapatid lamang ang nagtanggol sa akin ng ako'y pwersahang angkinin ng iba't-ibang mga dayuhan. Ang iba'y ipingkalulong ako sa mga ito. Kung may natitira sanang diwa mo  ngayong panahon Juan, mapapanatag sana ako.Tanging pamana mo lamang ang natitira kong pag-asa.

Maluhaluhang naalala ni inay ang pamana ni Juan..
"Inay ito ang Nasyonalismo, Ipapamana ko sa mga kapatid ko upang maprotektahan kayo."

Kung may buhay lamang ang ating inang bayan marahil ganito ang kanyang hinagpis. Hinagpis na hindi marining dahil sa mga anak na walang ibang ginagawa kundi ang lapastanganin ang kanyang kagandahan. Mahirap man tanggapin ngunit ganito ang nangyayari sa panahon natin ngayon. Unti-unti nang namamatay ang pinamanang nasyonalismo ng ating mga bayani. Ang dahilan kung bakit natin natatamasa ang nararanasan nating kalayaan ngayon.

Ngunit ano ngaba ang Nasyonalismo?

Ang nasyonalismo ay ang marubdob na pagmamahal sa bayan. Dahil dito nakipaglaban ang ating mga bayani laban sa mga mananakop upang makamit ang kalayaan ng buong bansa. Ginamit nila itong instrumento upang makawala tayo sa sakim at mapang-aping mga mananakop. At dahil din dito kung kaya't nagtagumpay ang ating mga bayani sa kanilang pakikipaglaban sa kabila ng pagkasawi ng buhay ng marami nating kababayan.

Subalit buhay pa ba ang Nasyonalismo ngayon?

Ilang taon na nating tinatamasa ang kalayaang ipinaglaban ng ating mga bayani. Ngunit kasabay ng paglipas ng panahon ay ang unti-unti nating paglimot sa nakaraan.Lalong lalo na sa nasyonalismong ipinamalas ng ating mga bayani. Naging mahirap na para sa atin ang panindigan ang dahilan kung bakit nating nakamit ang ating kalayaan...ang Nasyonalismo.

Sa anung paraan natin naipapakita nag paglimot natin sa Nasyonalismo?

Maraming mga paraan at isa na dito ang pagdami ng mga kababayan nating mas pinipiling manirahan at magsilbi sa ibang bansa kaysa manatili dito at magsibi sa sariling bayan. Kung kaya't kinakapos tayo sa mga guro, doktor, nurse at iba pa na sana'y higit na kailangan ng marami nating kababayan. Mas marami rin sa ating ang mas tinatangkilik ang produkto ng ibang bansa kaysa gawa ng sarili nating kababayan. Kung kaya ang iba ay ibinibenta ang mga imbensyon at mga produkto sa ibang bansa upang mapakinabangan. Na dapat tayong mga pilipino ang gumagawa nito.  Marami narin sa atin ang mas gumagamit ng wikang Ingles kaysa sarili nating wika kahit ang kausap ay kapwa pilipino.Maliban sa paaralan hindi ba't mas mabuti kung mas ginagamit natin ang ating wika? At maging sa pag-awit ng ating pambansang awit. Hindi ba't marami sa atin ang basta basta na lamang nakatayo, nakalagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib at sumasabay sa tugtog? Ang iba pa sa atin ay hindi kabisado ang ating pambansang awit.At walang alab na nararamdaman habang inaawit ito. At ang masakit sa lahat nagagawa nating ibugaw ang ating inang bayan sa ibat-ibang mga dayuhang negosyante para sa pansariling interes. Upang umangat sa buhay nagagawa nating ibenta ang kanyang kagandahan. Habang ang iba nating mga kababayan ay patuloy na nasasadlak sa hirap at panganib na maaaring idulot nang pagkasira ng ating inang bayan.

Nakakalungkot isipin na unti-unti nating napapatay ang nasyonalismong iniwan sa atin ng ating mga bayani.
Kaya paanu nalang ang susunod na hinerasyon? Ang mga kabataan? Anu ang kanilang mamumulatan tungkol sa ating bayan?
 
Kaawa-awa si Juan...ang pamana'y unti -unting nalilimutan....

Kung kaya't dapat tayong gumawa nang paraan upang mabuhay muli ang nasyonalismo. Huwag tayo mawalan ng pag-asa dahil habang may Juan sa puso't diwa ng bawat pilipino , buhay ang pag-asa ng Nasyonalismo.

Ikaw, limot mo narin ba?

1 comment:

  1. Maaari siguro nating simulan sa paggamit at pagpapayaman ng ating sariling wika, kultura at produkto...


    SARILING ATIN.....GAMITIN NATIN!

    ReplyDelete