Sunday, October 2, 2011

KARANGAYA ( INAREGLONG KASAL )

            Isa sa mga kultura nating mga Pilipino ang kasal. Subalit sa pagkaiba-iba ng ating mga relihiyon ay ang pagkakaiba din ng ating mga tradisyon ukol dito.
         
           Ang  kasal ay isa sa pinakamahalagang okasyon sa dalawang nagmamahalan. Ito ay simbolo ng habambuhay nilang pag-iibigan at  katapatan sa isa’t isa. Ngunit paano kung ikasal ka sa taong hindi mo pinili at lubusang kilala  at pangangakuan mu ng tapat na pagmamahal at  pagsasama  habangbuhay.
        
           Hindi lingid sa aking kaalaman ang tradisyong “Karangaya” ng mga Maranao kung saan pinagkakasundo ng dalawang pamilya ang kasal ng kanilang mga anak. Ang aking kaalaman tungkol dito ay pawang mga kwento lamang. Kaya’t ng mapanood ko ang dokyumentaryo ni Sandra Aguinaldo  nagdulot ito sa akin ng kamanghaan. Habang pinapanood ko ang dokyumentaryo isang tanong ang namuo sa aking isipan, paano nagawa ng isang magulang ang ipakasal ang musmos na anak sa napakamurang edad? Sina  Fajad Mangotara at Olily Hadjimalic, mga batang hindi pa man maintindihan ang kahulugan ng pag-aasawa ay nakatakda nang ikasal sa murang edad. Alam kong wala akong karapatang kwestyunin ang kanilang nakasanayang tradisyon sapagkat bahagi ito ng kanilang kultura. Subalit bilang manood nakakalungkot isipin na ang isang 7 taong gulang na bata ay haharapin ang sakramento ng kasal sa murang edad. Sa aking pananaw ng makita ko ang walang muwang na mga mukha ng mga bata ay nagbigay sa akin ng ideya na ang karapatan ng mga batang ito ay naabuso. Gayun pa man sana ang dalawang musmos na mga batang ito ay maging kagaya nina Arafat at Narhata Salic. Ipinagkasundo man ang kasal sa murang edad ngunit natutunang mahalin ang isat isa pagkalipas ng panahon.
           
            Ang kwento naman nina Waheba at Saminoden, Ibrahim at Rocaya  ay nakakaiba. Sa tradisyon nating mga katoliko  sino ang magpapakasal sa isang taong hindi mu lubusang kilala at sa araw ng kasal mu lang sya unang masilayan?  Magpapakasal ka ba sa taong ang angkan nito ang dahilan ng pagkaulila mu sa ama? Ito ang iba pang aspeto sa tradisyong Karangaya ng mga Maranao. Hindi ko lubos mawari kung anu ang kalalabasan ng ganitong pangyayari. Ngunit para kay Rocaya, awa ang aking naramdaman. Masakit para sa isang anak na mawalan ng mahal sa buhay lalo na sa isa sa kanyang mga magulang. At ang masaklap pa nito ay araw-araw niyang nakakasama ang angkan na bumawi sa buhay ng ama. Ngunit upang matigil ang rido o away sa pagitan ng dalawang angkan  kung kayat marahil pumayag si Rocaya.
             
            Bilang isang indibidwal,kahit anu pa man ang relihiyon mu may karapatan tayong mamili at karapatang maging malaya. Kagaya ni  Minang Sharief  na  hindi pumayag  na maikasal sa tiyuhin nang ipagkasundo sya rito ng kanyang mga magulang sa edad na 13 taong gulang. Ayon sa kanya naging simula raw ito ng pagbabago sa paniniwala ng ibang mga babaeng Maranao sa Karangaya. Nakakatuwang isipin na may mga magulang na  maranao din pala na pinapahalagahan ang disisyon ng kanilang mga anak. At hindi sila ikinulong sa nakasanayang tradisyon.
          
             Minsan nakakagawa tayo ng mga bagay na kahit labag sa ating kalooban ay kailangan nating gawin. Kagaya sa tradisyon Karangaya ng mga Maranao. Marahil hindi natin maintindihan bilang hindi tayo kasapi ng kanilang relihiyon, ngunit kagaya nating mga katoliko may mga tradisyon din tayong sinusunod at inaalagaan. At ang pagsunod sa mga tradisyong ito ang nagpapatibay sa ating mga paniniwala.   


No comments:

Post a Comment